President Benigno S. Aquino III delivered his fourth State Of The Nation Address (SONA) on July 22, 2013 at the Batasang Pambansa in the joint session of the 16th Congress. Here’s the full transcript of President Noynoy Aquino's 4th State Of The Nation Address (SONA). For the English version of the text, click here.
FOURTH STATE OF THE NATION ADDRESS OF
HIS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III
PRESIDENT OF THE PHILIPPINES
TO THE CONGRESS OF THE PHILIPPINES
BATASAN PAMBANSA COMPLEX, QUEZON CITY
JULY 22, 2013
Bise
Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker
Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga
kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel
Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng
kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante;
mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga
unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa
taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Isang
, magandang hapon po sa inyong lahat. [Applause]
Ito
po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na
taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang
hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi
masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong
termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo
lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon
pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa
pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa
puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang
transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong
kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga
magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking
sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang hindi
naman dapat dinaraanan ng Pilipino. [Applause]
Tumugon
nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa.
Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang
ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, “Boss,
tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at pabilisin pa natin
ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa
iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang
mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas
na puwesto na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. [Applause] Sa aking
pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin,
damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang
28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o
magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40
bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan,
serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na
pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang
nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong
mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga
responsibilidad. [Applause] Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob,
kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan?
Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin
niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang
makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong
Aguirre. [Applause]
Hindi
nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng
pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad
para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay
maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang
daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive
growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat
inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na
lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.
Ang
atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at
pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon
ay punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan ng determinasyon,
at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE
scholars. Sa 500,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat
sampu ang nagtatrabaho na. [Applause] Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM
noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng
TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO
program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa
electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga
nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog,
kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating
pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga
pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.
Isa-isahin
po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino
Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo
ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa
ating pong administrasyon. [Applause]
Mayroon
pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies,
mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng
high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba
makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya,
upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon
ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod
na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot
sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila.
[Applause]
Sa
edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang
natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga
oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: natupad po. Nabura na ang minana
nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang
pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother Armin Luistro, [Applause] pati po ang
kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin sa taong ito. Ang magandang
balita pa: May kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan
dahil sa K to 12 program. [Applause]
Hindi
po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po
ninyo, kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang
namumuno, bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya
kung dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid
natin ang diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat sa isang
tinatayang 20.7 million na estudyante sa ating public school system, ang
katumbas nito: halos 2.9 billion pesos. [Applause] Kaya po sana nitong
pondohan ang plano nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na
silid-aralan.
Kung
nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa
susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede
naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang
lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero itong si
Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, “Puwede na ‘yan, tapos
na ang trabaho ko,” gagawa pa siya ng mas maraming upuan at classroom, at
bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na
mga taon ay mapunuan na rin. [Applause]
Ang
pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo,
ayon sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong
metriko tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons.
Noong 2012: 500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na
nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access
volume na 350,000 metric tons. [Applause] Nakapaloob na po dito ang 187,000
metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo;
malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin
kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula
na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin
doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.
[Applause]
Datos
na rin po ang pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang
tatlong buwan ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth
noong parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng
mga inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga
magsasaka.
Halimbawa
po, sa niyog. Ayon sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na
sektor sa bansa ang coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito:
Pagkatanim, pitong taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos,
dalawang henerasyon ang wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na
lang nang mamitas. May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na
ito kung maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging
produktibo. Ang tugon: intercropping.
Tutulong
ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla
ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani
ng magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita. Kung
sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang kinikita
ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos
ang kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring kitain,
samantalang 89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya, di po ba?
Nasimulan
na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa
5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90
lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target
naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut
intercropping. [Applause]
Itinitimon
na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda.
Isipin po ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng
pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41 porsyento
pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong sukatin noong
2009. Sila ang nanghuhuli ng isda, pero ang natitira para sa kanilang
pamilya, tinik na lang.
Kaya
nga po: Nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang
makaalpas sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po
ang para sa Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid
nito. Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa
na lamang itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng
lapu-lapu, isang kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang
pagkasariwa ng isda dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa merkado
nang sagad pa rin ang presyo ng huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang
makukuha mo, tamang halaga. Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility
para sa Bataraza. [Applause] Kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga
bagong pantalan sa mga stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at
kita. Ipinapaayos natin ang mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura,
pati na ang serbisyo para sa ating mga mangingisda.
Mahigpit
din pong binabantayan ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda nang
walang habas; ang hiling ko nga pong ambag sa ating mga mangingisda:
Pagpahingahin natin ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong sumama sa
pangangalaga ng inyong kabuhayan; nakikita naman po ninyo: Ang oportunidad,
inilalapit na sa inyo ng estado, pero ang resulta, syempre, nasa kamay ninyo.
Kung
may isa man pong paksang paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang
Hacienda Luisita. Nais ko lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos
ng Korte Suprema, nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan
ng mga kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita.
[Applause] Ayon rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong
nakalipas na linggo ang pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga
benepisyaryo, at magsisimula nang ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre
nitong taong ito. [Applause]
Para
naman po sa iba pang malalawak na lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR,
DENR, LRA, at Land Bank na bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang
pagproseso sa pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang
unang hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng
isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po, nagtrabaho na
ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito, at nasa punto na
tayo ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa susunod na taon, naihain na
ang lahat ng mga notice of coverage para sa mga lupaing saklaw ng
komprehensibong repormang agraryo. [Applause]
Malinaw
po: Ang estado, itinayo para paglingkuran kayo. Kung may problema sa
kalusugan, dapat kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng sakuna, nariyan din
dapat ito para magbigay-lingap. Ano po ba ang ginagawa natin sa mga larangang
ito?
Sa
kalusugan, ang layunin nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa nating
kababayan: natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng Pilipino ang
naka-enrol sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang natitira nga pong
wala sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na po ang informal sector at
mga katutubo. Inaasahan po natin ang pakikipagtulungan ng mga lokal na
pamahalaan upang maisali na natin sa sistema ang lahat ng ating mamamayan.
[Applause]
Hindi
lang po mga enrolee ng PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga
benepisyong maaaring makuha mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad natin
ang Z Benefit Package. At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa ito ng
Expanded Z Benefit Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga karamdamang
libreng maipapagamot ng mahihirap nating kababayan sa mga pampublikong
ospital. Noong isang taon, nakasama na ang breast cancer, prostate cancer, at
acute leukemia; ngayon, kasama na rin ang iba pang sakit tulad ng coronary
bypass, at ng pagtatama ng mga butas at maling posisyon ng mga ugat sa puso.
Masasayang
lang po ang ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating
mga pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan. Kaya
nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang pangkalusugan: Nitong
nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong piso ang nailaan natin para sa
pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon ng 4,518 na ospital, rural
health units, at barangay health stations sa buong bansa. [Applause]
Halimbawa na po rito ang Region 1 Medical Center sa Dagupan, na nakapagsagawa
na ng limang kidney transplant ngayong taon; ang Bicol Regional Teaching and
Training Hospital sa Legazpi, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu, at
Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike
Ona ay may kakayahan na ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga
bagong pasilidad at kagamitan. [Applause] Nariyan din po ang Davao Regional
Hospital sa Tagum City—ang una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.
Para
naman po sa paghahanda sa kalamidad: Ang layunin nating magpanday ng mga
mekanismo upang mailayo sa peligro ang Pilipino: natupad na rin po. Nariyan
po ang epektibong serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng Geohazard
Mapping and Assessment Program at Project NOAH naman ng DOST. Nitong
nakaraang taon, natapos na natin ang multihazard mapping ng dalawampu’t
walong pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito ang para sa
Greater Metro Manila Area na target nating kumpletuhin pagdating ng 2014.
Handa na rin po ang geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ang
natitira pong 1,138 na sasaklaw sa bawat sulok ng bansa ay makukumpleto bago
matapos ang 2015. Dagdag pa po, mas matalas at detalyado na ang mga mapa,
kaya mas eksakto na ring natutukoy ang mga mapanganib na lugar. [Applause]
Buhat
naman ng inilunsad ang Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na
tayo ng 525 automated water level monitoring stations at automated rain
gauges sa 18 major river basins sa atin pong bansa. Tuloy-tuloy din ang
pamamahagi natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami
detectors, at alerting sirens.
Subalit
hindi po sapat ang basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya.
Sinasanay din natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin,
gamitin, at palaganapin ang impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi na
lamang bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung gaano
karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at napapanahong
babala sa komunidad upang makapaghanda.
Inaayos
na rin po natin ang problema sa madalas na pagbaha sa Kamaynilaan. Biruin po
ninyo: Noong Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters per second ang tubig na
dumaloy mula sa Sierra Madre. Pero ang kapasidad ng dadaanan nito, nasa
tinatayang 1,000 cubic meters per second lang. Saan naman po pupunta ang
diperensyang 2,600 cubic meters kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig na
nagpapaapaw sa mga mababang lugar at nagiging baha.
Di
po ba’t narinig na ng marami sa atin: “Waterways are inalienable.” Ibig sabihin:
Ang daanan ng tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang na nga
ang dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero, at
binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po solusyunan
ito, nakikipag-ugnayan tayo sa mga LGU upang maayos na mailipat ang mga
informal settlers. Inihahanda na rin po ng legal team sa pamumuno ni
Secretary Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng mga gusali na sumara
o humaharang sa mga daanan ng tubig. [Applause]
Hindi
po tayo makukuntento sa sisihan. Ang ating pong aksyon: 6.2 billion pesos
para maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang pagtatayo sa
Blumentritt Interceptor Catchment area; 3.3 kilometers po ang haba ng buong
proyekto, at oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng tubig na katumbas ng
tinatayang labing-apat na Olympic-size swimming pool. Kaya kung may bubuhos
man pong tubig, mayroon na itong pupuntahan, at hindi na kailangang nasa
ibabaw ng lansangan. [Applause] Nasimulan na po ang proyektong ito noong Marso;
layunin nating matapos ito sa susunod na taon.
Ginagampanan
po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating
sarili: Ano ang inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin
mo sana; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po
tayong malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.
Lumisan
man ang bagyo, di naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik sa normal ang
buhay ng mga pamilyang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagtutulungan
ng gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377 na kabahayan na po ang naipatayo
para sa mga sinalanta ng bagyong Sendong. May karagdagan pang 4,374 na
tahanang maipapatayo ng gobyerno bago matapos ang susunod na taon. [Applause]
Humihingi po tayo ng pag-unawa kung medyo nagtagal ito, dahil na rin sa
masalimuot na proseso ng land acquisition; katunayan nga po, kung maaayos ang
usapin sa iba pang lupain, may dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo
natin.
Target
naman po nating maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan para sa mga
kababayan nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po natin ang
pamamahagi ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po natin ang 17,609 na
kabahayan bago matapos ang taon, at oras na makumpleto na rin ang natitira
pang 35,447 sa 2014, ang mga pamilyang tinamaan ng dahas ng kalikasan ay
makakasilong na muli sa ilalim ng sariling bubong. [Applause]
Tungkol
din po sa pabahay, para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na
housing unit para sa pulis at kasundaluhan—natupad na, noong isang taon pa.
Sa Phase II naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target
na 31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan para naman sa Phase II.
Bukod
sa pabahay, may mga programang pangkabuhayan din tayong binubuo para sa ating
mga kawal. Ang ilang libong ektaryang lupain sa tatlong kampo-militar,
partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp Kibaritan sa
Bukidnon, at sa Camp Peralta sa Capiz, ay paglulunsaran ng dagdag na
pagkakakitaan ng mga sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan, kape, cacao, at
palm oil. [Applause] Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang mga kawal,
ngayon maski retirado ay may pagkakataong maging bahagi ng paglago ng ating
ekonomiya.
Subalit
hindi dito nagtatapos ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating
problema sa pambansang tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw
tayong 250,000 na pulis at sundalo para sa mahigit 55 million Filipinos.
Ngayon po, mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na
nagbabantay sa 95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin, pero
hindi nagbago ang bilang ng nagbabantay sa atin.
Tiyak
pong may mga nagsasabi na diyan: “Problema ba ito? E di magdagdag kayo ng
pulis at sundalo. Makakalikha pa kayo ng trabaho.” Sana nga po ganyan lang
kadali at kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa karaniwang pension
scheme, maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at nag-eempleyo. Ito ang
puhunang palalaguin, at dito magmumula ang pensyon sa pagreretiro ng miyembro.
Pero ano po ba ang situwasyon sa pensyon ng AFP at PNP? Walang naghuhulog,
pero may kailangang bayaran. Dagdag pa rito, naka-index sa sahod ng mga
aktibong sundalo at pulis ang pensyon ng retirado. Ibig sabihin, kapag lumaki
ang sahod ng nasa serbisyo, lalaki rin ang pensyon ng mga retirado o ng mga
pamilyang tumatanggap pa nito. Taun-taon, dumarami ang mga nagreretiro, kaya
natural, pataas din nang pataas ang obligasyon. Ang masaklap, pambansang
budget ang sumasalo nito: Noong 2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa
pensyon ng sundalo at kapulisan. Ngayong taon, 61.29 billion, at aabot po ito
sa 80.64 billion sa 2016. Lolobo pa ito nang lolobo, kaya’t liliit naman nang
liliit ang pondo para sa iba pang serbisyong panlipunan. Paano naman po tayo
magdadagdag pa ng pulis at sundalo kung ganito ang konteksto?
Kailangan
ng sistemang tutugon sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t
kapulisan; malamang po, GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito.
Pinag-aaralan na rin po ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed area
para makakalap ng pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi rin naman
po natin puwedeng biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga
pangangailangan, kaya’t mas masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin upang
makalikha ng isang patas, pangmatagalan, at malinaw na mekanismo para sa mga
pensyon ng mga pulis at sundalo. Nananawagan po ako sa Kongreso: Pag-aralan
po nating muli ang PD 1638 at RA 8551 upang maiangkop sa panahon at sa
pambansang pangangailangan ang pensyon at benepisyo ng ating pulis at
kasundaluhan. [Applause]
Kaparehong
paninindigan rin po ang nakikita nating solusyon sa nakaambang problema sa
pensyon sa SSS. Isipin po ninyo: mula 1980, 21 times nang nagkaroon ng
across-the-board pension increase—ulitin ko lang po yun, 21 times—pero ang
masaklap po, dalawang beses pa lang pong tumaas ang contribution rate. Ang
resulta: Tinatayang 1.1 trillion pesos na ang unfunded liability ng SSS base
sa pag-aaral na isinagawa nitong 2011. Inaasahang tataas ito ng 8 porsyento
kada taon, at mauubos ang pondo 28 years from now. Kapag nangyari ito, walang
ibang malulugi kundi ang susunod na salinlahi ng Pilipino.
Naniniwala
po tayong panahon na para amyendahan ang SSS Pension Scheme. Kailangan nating
tambalan ng inisyatibang mag-impok nang sapat ang pagluluwal natin ng pera.
Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, 141 billion
pesos na agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon na
tayo magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang ipapamana
sa mga susunod sa atin. [Applause]
Sa
kapulisan naman po, ang layunin nating magbigay ng lakas upang magampanan
nila ang kanilang tungkulin: natupad rin natin. Simula ngayong 2013, 30,000
sa mga pulis ang babalik sa pagpupulis, dahil kukuha tayo ng mga civilian
personnel para gawin ang mga tungkuling administratibo. Sayang naman po ang
kakayahan at abilidad ng ating mga kawal at pulis kung ikukulong lamang natin
sila sa apat na sulok ng opisina.
Sa
pagpasok rin po ng buwang ito, inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit
ng 9mm Glock 17 pistols sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na
rin ang pamamahagi ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas,
tungo sa katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol ratio.
[Applause]
Sulit
na sulit naman po ang pamumuhunan nating ito sa pambansang kapulisan, lalo
pa’t nagbubunsod ito sa maayos at maaasahang serbisyo. Di po ba’t tuwing
eleksyon, nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente ng karahasan?
Tinugunan po natin ito tulad ng Oplan Katok. Ang pakay ng programa: hanapin
ang mga baril na paso na ang lisensya, at tiyakin na ang mga baril na mayroon
namang lisensya ay hawak pa rin ng otorisadong mamamayan. Para gawin ito,
491,929 na pintuan ang kinatok ng ating mga pulis para sa renewal ng mga
lisensya. Nakatulong po ito upang maging mas epektibo ang kampanya natin para
sa Secure and Fair Elections, kung saan ang 112 private armed groups noong
eleksyon ng 2010 ay napababa na lang sa 41. Katumbas po ito ng 63 percent na
pagbaba. [Applause] Mula rin sa 189 na insidente ng karahasan noong eleksyon
ng 2010, 77 na insidente lamang ang kompirmadong naganap nitong huling
halalan. [Applause]
Gawin
po nating halimbawa ang ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv Hataman, sa
tanang-buhay niya, hindi siya makaalala ng pagkakataon kung kailan walang
failure of elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po natin, ito ang unang
beses na magkasabay ang pambansa at rehiyonal na halalan sa ARMM. Ang ibig
pong sabihin, noon ay nakatutok ang buong pwersa ng estado sa iisang rehiyon,
pero may failure of elections pa rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa ang
kinailangang tutukan, at lumawak ang kanilang responsibilidad, may mga
nag-akalang lulubha pa ang situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita naman po
ang laki ng ikinaganda nito: Naging malinis at tapat ang halalan sa ARMM;
natuloy ang bilangan, natuloy ang proklamasyon ng mga may bagong mandato mula
sa taumbayan. Dahil sa sipag ng ating mga pulis at kawal, at gayundin sa
pakikiisa ng sambayanan, talaga naman pong ang eleksyon 2013 ay naging mas
payapa at tahimik. [Applause]
Gayumpaman,
may mga insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan.
Nabalitaan na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz Gang
na sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa.
Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan, sisiguruhin
nating mananagot ang sinumang pulis o kung sino mang sangkot dito—gaano man
kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga pasimuno dito: maghanda
lang kayo. Malapit ko na kayong makilalang lahat. [Applause]
Sa
kabila ng ganitong mga kuwento, buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay
ng kapulisan. Hindi sila nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3
Edlyn Arbo, na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa
nasakyan niyang jeep, [applause] off-duty man at walang dalang baril. Nariyan
po siya at sinagupa yung holdaper na nagkamaling siya ang pag-tripan. Nariyan
din po si PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba
ng listahan [applause] ng mga kriminal na kanyang nahuli at ang balita ko ay
may nahuli ka na namang batikang carnaper sa Bacolod. Talagang napakahhusay
mo. Ang ilan po dito, sa kanyang mga nahuli kabilang sa mga pinaghahanap most
wanted persons sa Bacolod at miyembro ng malalaking sindikato. Baka narinig
na rin po ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa
kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para tumulong.
Hindi lang po siya nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan.
[Applause] Bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo, sinubukan kong abutan ng
1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho
naming tumulong sa mamamayan.” [Applause] Saludo po kami sa mga tulad ninyong
lingkod-bayan. Palakpakan po natin sina PO3 Arbo, PO3 Moncatar, at PO2
Sultan. Patunay kayong hindi pa endangered species ang tapat at mahuhusay na
pulis. Inatasan ko na sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim
Voltaire Gazmin ng DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating
unipormadong hanay ay makakatanggap ng kaukulang pabuya at karangalan.
[Applause]
Idaragdag
ko na rin po ang ating disaster relief workers mula sa maraming sangay ng
gobyerno, pati na ang volunteers galing sa pribadong sektor. Alam ko pong
hindi madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng
pinsala. Hindi po ako magsasawang kilalanin ang inambag ninyo sa lipunan;
saludo po ako sa pag-aalay ninyo ng sarili upang bawasan ang pagdurusa ng
ating mga kababayan. [Applause]
Abot-kamay
na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan.
Nitong Oktubre po ng nakaraang taon, nilagdaan ang Framework Agreement on the
Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula nang
lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong masusundan pa
ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon.
Tiyak
kong mulat ang lahat: Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti
na lamang talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang
magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung
magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating
bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat.
Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato,
at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan.
[Applause] Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya’t
sinasabi ko sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang
mapagkasunduan natin ay ipatutupad ng pambansang gobyerno. [Applause]
Kailangan
po ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng
tiwala, dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama natin
na gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita
na dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng
tiwala at naghahasik ng pagdududa: Masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit
sa kapwa mong Pilipino?
Umaasa
po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro.
Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng
kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga
probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga
lalawigan. [Applause] Tagumpay ng lahat ang ating hangarin; hindi tayo
papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may ibang nakakalamang.
Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang Transition Commission na
gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga
prinsipyo ng komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana
ninyo ito bago matapos ang 2014. [Applause] Sa gayong paraan, may sapat
tayong panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro
sa 2016.
Anuman
pong pagbabagong tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi tayo
nakuntentong sumunod lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala. Matanong
ko nga po: Ilan po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na Telepono sa
Barangay? Hindi po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo, ayon sa DOTC:
mahigit five billion pesos ang ginastos para sa isang programang magdadala ng
telepono sa mga kanayunan. Di po ba’t sayang lang ito, dahil sa loob ng
maikling panahon matapos ang implementasyon, dahil hindi pa nga po tunay ang
implementasyon, dumami nang dumami ang may cellphone na Pilipino? Sino nga ba
naman ang papansin sa mahigit 6,000 landline na ipinakabit nila, gayong may
100 milyon nang cellphone sa Pilipinas?
Heto
pa po ang isang halimbawa ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating
baguhin: Bumilitayo tayo ng walong combat utility helicopter, para daw sa
mabilisang pagbiyahe ng ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong
naka-mount ang baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan.
Kung lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na
nakatabi at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago nagkapirmahan ng
kontrata? Bakit naman po pinayagang mangyari ito?
Kailangan
pong maging mas mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng palagi tayong
nakasalalay sa sales talk ng mga supplier sa pagpili ng mga kagamitan natin.
Inatasan natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga ekspertong hindi kayang
bolahin ng mga supplier, lalo na po pagdating sa mga big ticket items. Ang
patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng problema; tamang pag-aaral na
tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot naman sa pamamagitan ng tamang
metodolohiya. [Applause]
Iyan
po ang kaisipang pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal settler sa
Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa panganib ang mga
nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod: tinutupad na rin natin. Wala
naman po sigurong kokontra kapag sinabi nating hindi tama ang kasalukuyan
nilang kondisyon. Ayon po sa Article 2, Section 5, o ang general welfare
clause ng ating Saligang Batas: “Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng
kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at
ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan
ang mga biyaya ng demokrasya.”
Dito
po natin napatunayan: Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita
mong malasakit ang iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po
magbaklas ng mga bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang
katuwiran ng ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at
kung magsisikap kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din
po natin: Layunin nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro—hindi sa
sindikato. Batid nating sa tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng
estado, ipinapain rin nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng
napakaraming Pilipino.
Matapos
nga pong maibiyahe ang isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang
nanghikayat sa mga dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas dito.
Ngayong taon po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400 pamilyang
nagsisiksikan sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila. Sa
pagkakapit-bisig ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw na po ang sagot
sa suliraning ito.
Isa
pa pong halimbawa ng transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding
nabinbin sa Kongreso ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon,
naisabatas na, sa wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible Parenthood
Law. [Applause] Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa
pagsusulong nito sa Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang mahabang
proseso ng debate at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga naghasik ng
pagdududa upang harangin ang ating mabuting agenda. Tinitimbang ninyo kung
ano ang kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at isinusulong ang tunay na
serbisyo para sa Pilipino. [Applause]
Ilalapit
ko na rin po sa ating Kongreso ang ilang batas na makakatulong sa
pagpapatuloy ng nasimulan nating pagbabago. Maamyendahan na po sana ang
Cabotage Law, upang mas mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang gastos sa
transportasyon [applause] ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong na
rin po sana ang Fiscal Incentives Rationalization Bill, upang maging mas
tapat, malinaw, at may pananagutan ang mga insentibong ibinigay natin sa mga
negosyante. [Applause] Paglaanan din po sana ng panahon ang Land
Administration Reform Bill, upang maitimon sa iisang direksyon ang mga
kawanihang nakatutok sa ating mga lupain, at nang sa gayon ay masigurong
masinop at epektibo nilang magagawa ang kanilang trabaho. [Applause]
Bukas
na bukas din po, ihahain natin ang panukalang 2.268 trillion pesos na
national budget sa Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at pakikibalikat
ninyo upang mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong masusing
pinag-isipan. Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang agenda ng positibong
pagbabago, kundi upang mapaspas pa ang pag-arangkada natin tungo sa
malawakang kaunlaran.
May
ilan pong nagsasabi na kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas. Sang-ayon
po ako dito. Pero tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat sentimo ng
kabang bayan para sa fighter jets, tangke de guerra, at iba pang gamit
pandigma. Hindi yata nila alam na ang isang fighter jet na nagkakahalaga ng
1.58 bilyong piso, ay katumbas ng 6,580 na bahay para sa mga pulis at
sundalo, o halos 2,000 na silid-aralan para sa mga kabataan. At ano naman ang
magagawa ng isang pirasong jet? Para maging epektibo, ang kailangan, mga
squadron—at ang isa nito ay binubuo ng dalawampu’t apat na fighter jets. Sa
halagang 1.58 billion pesos kada piraso, 37.92 billion pesos ang huhugutin sa
kabang bayan para makabuo ng isang squadron. Paano naman ang missiles pati na
rin ang practice missiles? Hindi rin po libre ang jet fuel, radar system,
ground bases, at ground intercept controls. Hindi po talaga biro ang gastos
para sa isang minimum credible defense posture; gagayahin pa ba natin ang
iba, na handang kalimutan ang lahat para lang makuha ang nuclear option? Wala
naman sigurong sasang-ayon dito. Babalansehin po natin ang ating mga
pangangailangan. Aasikasuhin natin nang husto ang mga dapat tugunan sa ating
lipunan, habang patuloy tayong nagiging mabuti at mahinahong kasapi ng
pandaigdigang komunidad.
Alam
naman natin dati, ang batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat
para kumapit sa kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at
susunod na henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang
kinahantungan ng pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Ang
tinatayang gastos sa bawat biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad ng
pasahero, 15 piso. Ibig sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang 25 piso.
Sa MRT po, 60 piso ang totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45 piso sa
gobyerno– sa huli, bawat Pilipino, abunado. Nasa Mindanao ka o Visayas ka
man, na ni minsan ay hindi nakatuntong sa LRT o MRT, kasama ka sa pumapasan
nito.
Ang
masaklap pa nga po: Dahil ipinamigay na ng nakaraang mga pinuno ang
commercial development rights natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula
sa mga poster at billboard na nakapaskil sa stasyon o sa tren man, napupunta
sa pribadong kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng
pantustos sa maintenance at operasyon, nawala pa.
Siguro
naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang
pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong
panlipunan.
Nakita
naman po ninyo: wala tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin.
Ang totoo nga po, ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon,
napapakinabangan na ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang Ternate-Nasugbu
Road. Kung tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng kalsadang ito na
nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero ‘yang anim na
kilometrong iyan, inabot pa ng halos dalawampung taon bago ito matapos.
Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag nakumpleto ang natitirang
slope protection, ganap na ang magiging pakinabang ng kalsada sa mga
motorista.
Nariyan
din po ang Aluling Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po inilatag sa papel
ang pagpapatayo nito. Siniguro na nating hindi lamang din papel ang mamanahin
ng susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas, natapos na ito at sinimulan na
rin natin noong nakaraang buwan ang operasyon ng Laguindingan Airport, na
isang henerasyon naman ang pagitan mula nang inisip at isakatuparan.
[Applause]
Ilang
dekada ring naghintay ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng
laboratoryong kayang makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi na po
natin pinahaba ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa pangunguna
ng DOST, pinasinayaan natin ang Advanced Device and Materials Testing
Laboratory. Dati, kailangan pang ipadala ang mga produkto sa ibang bansa para
suriin. Hindi natin nasasagad ang kita; hindi rin nasasagad ang potensyal ng
industriya na manghikayat ng puhunan. Dahil po sa pasilidad na ito na tinaguriang
ADMATEL, ngayon, dito na susuriin ang mga produkto, at masusulit ang mga
bentahe ng manggagawang Pilipino sa larangan ng electronics. Inaasahan nga po
nating lalo pang lalakas ang industriyang nag-ambag ng halos 44 percent ng
ating exports noong 2012. [Applause]
Sa
tulong naman po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon,
[applause] natapos na ang mahigit limampung taon na paghihintay ng mga
Ilonggo; nasimulan na ang Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo.
Ano po ba ang mga pakinabang nito?
Tinataya
pong 24,000 magsasaka sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong
irigasyon. Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng palay.
Linawin po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing mapapatubigan,
may dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons. Katumbas po ito ng halos
walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer stock ng bigas para sa 2013.
[Applause]
Bukod
pa po ito sa iba pang benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang
baha sa Iloilo, at ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din
ito sa supply ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya ng
ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng
proyekto; oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000
Pilipino ang mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan. [Applause] Una raw po
inisip itong proyektong ito noong 1960. Pareho po kaming isinilang sa mundo.
Mulat
din po tayong marami sa ating mga kababayan ang nananabik na makita ang mga
bunga ng ating Public Private Partnership projects. Alam din po nating may
mga tila naiinip na sa kahihintay para rito.
Isakonteksto
po natin. Noong 2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5 percent na lang ng
programmable budget ng taon, o 100 billion pesos lamang, ang iniwan sa atin.
Ang 93.5 percent po, inilaan na sa kung saan-saan ng ating sinundan. Kaya
naman, lumapit tayo sa pribadong sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa
pondo, halina’t mag-ambagan tayo upang maipatayo ang mga kinakailangang
imprastruktura.
May
balakid din po tayong kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang mga
pag-aaral na basehan ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang burukrasya para
ipatupad ito. Idagdag pa natin ang publikong nagsawa nang magtiwala sa mga
kontratang pinapasok ng gobyerno.
Gayumpaman,
sa anuman pong situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na lang din natin,
gawin na natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok sa kuwestiyonableng
kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa susunod na administrasyon.
Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat proyekto, para masigurong ang
perang inyong pinaghihirapan ay napupunta sa dapat nitong kalagyan.
Ngayon
pa lang, nakikita na natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na
paglalatag sa PPP projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa,
napakalaki nang balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan
na ang paliparan sa Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos
at modernisasyon ng Tacloban Airport, Bicol International Airport, New Bohol
Airport, Mactan Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang Hari-SLEX link
road ang pinakamabilis na PPP project na nai-award sa alinmang
administrasyon, nang walang shortcut na dinaanan ang proseso. [Applause] Ang
mga ito, at ang napakarami pang ibang ipinapatayo at ipapatayong
imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang hitik sa oportunidad.
Mahaba
po ang listahan ng mga suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa:
Ang madalas na pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na
tayo ng solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang
binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon, patuloy
ang paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga kakulangan at agarang
pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa electric cooperatives
upang makapagpasok sila ng generator sets ng magpapabawas sa brownout.
Magtutuloy-tuloy ito hanggang makumpleto na ang mga plantang magsu-supply ng
kuryente sa rehiyon.
Pero
hindi po talaga mauubos ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang presyo ng
kuryente kapag may gensets dahil diesel ang ginagamit. May hydropower ngayon
dahil tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo laban sa mga genset. Pero
pagpasok ng tag-init, tiyak, marami na naman pong magrereklamo sa walong oras
na brownout.
Sa
ibang bahagi naman po ng Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga planta.
Habang umuunlad kasi ang ekonomiya, tumataas din ang konsumo natin ng
kuryente, at kailangang dagdagan ang supply nito. Gusto ba nating kapag
sinagad na ang mga pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng planta? Ang pagawa po
niyan dalawa hanggang tatlong taon bawat planta. Hindi po kabuteng basta na
lang susulpot ang mga ito.
Kung
maganda ang mungkahi, handa naman po tayong makinig, pero sana naman ay
makuha ng mga miron ang kabuuang konteksto ng situwasyon. Halimbawa po ang
planta sa Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda raw ang renewable.
Sinabi rin po ba nilang mas mahal itong ipatayo, at mas mahal din ang
magiging presyo ng enerhiya? Sinabi po kaya nilang hindi nito kayang tugunan
ang baseload, o ang kapasidad na kailangang laging nariyan para hindi mag-brownout?
Magtatayo ka ng wind; paano kung walang hangin? Kung solar, paano kung
makulimlim? Lilinawin ko lang po: Naniniwala rin ako sa renewable energy at
suportado natin ito, pero dapat ding may mga baseload plant na sisigurong
tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente sa ating mga tahanan at industriya.
Mag-iingay pa rin po kaya ang mga kumokontra, kung busy na sila sa kapapaypay
dahil nag-brownout na? [Applause] Ang sa akin lang po: makiambag sana tayo sa
paghahanap ng solusyon.
Tutal
din po, nagtatapatan tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos ng NAIA 3.
Masalimuot po ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang arbitration;
naipanalo na sana natin pareho, pero binaliktad ang desisyon ng isa dahil sa
technicality. Kaya nga po ngayon, pinaghahandaan ang muling pagdinig nito.
Dagdag na komplikasyon po ang isyu ng warranty sa pagpapatapos ng NAIA
3—hindi naman puwedeng ‘pag may umusbong na depekto, pasensyahan na lang,
dagdag-gastos pa. Kaya nga po nang ipinaliwanag sa atin na bibigyan tayo ng
maayos na warranty ng orihinal na contractor, pumayag tayo. Pero gusto nating
manigurado; gusto nating kumpletuhin nang tama at buo ang proseso, at
Hihingin ko po ang inyong pag-unawa ukol sa isyung ito.
Malinaw
na po ngayon: Iisa ang tuon ng bawat metro kuwadrado ng sementong ibinubuhos
natin bilang pundasyon ng mas maunlad na bansa: Pakinabang sa bawat isa—hindi
politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada kung saan lang kursunada, at
nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni Madam si Mayor, ngayon, sumusunod
na tayo sa isang pambansang plano. Walang paborito, walang transaksyunalismo,
walang padrino; bawat piso, nakatuon sa ating pagpaspas tungo sa malawakang
pag-unlad.
Ang
maaasahan po natin sa mga susunod na taon: mga paliparan at daungang
lalapagan ng kalakal at turista; mga kalsadang sisigurong husto ang
pakinabang ng lahat sa malalaking proyektong ito; mga power plant na
pagmumulan ng sapat na kuryente at magpapatakbo sa mga industriya. Ito ang
magsisilbing balangkas na magsasanga ng iba pang inisyatibang dadaluyan ng oportunidad
para kay Juan at Juana dela Cruz—mula sa mga magsasakang may sapat nang
patubig at mabilis nang naibebenta ang ani, hanggang sa mga construction
worker na nagtitindig ng mga bagong gusali; mula sa patuloy na pag-usbong ng
mga call center, hanggang sa pagdami ng mga negosyanteng handang magpasok ng
kapital sa bansa. Nagsulong tayo ng mga tamang proyekto sa tamang halaga;
ginawa natin ito nang may tamang kalidad; at natapos o matatapos ito sa
tamang panahon, dahil tama at karapat-dapat ang mga taong nagpapatupad nito.
Pag-usapan
po natin ang trapiko: di po ba’t tinatayang 2.4 billion pesos ang nawawala sa
ating ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na trapik sa Kamaynilaan?
Kabilang sa mga proyekto nating pihadong magpapaluwag dito ay ang Integrated
Transport System. Ang mga bus na nagsisiksik sa mga kalsadang punung-puno na
nga, ginagawan natin ng terminal sa mga lugar na hindi kasing-sikip.
Napapakinabangan na nga po ang terminal sa Parañaque, at nakapila na rin ang
sa Quezon City at Muntinlupa. Ang pang probinsyang bus ay hanggang dito
nalang sa mga terminal na ito ng wala nang makipagsiksikan sa EDSA.
At
nariyan din po ang dalawang connector road na magdurugtong sa North at South
Luzon Expressway. Ang totoo nga po, dekada sitenta pa lang, plano nang
ipatayo ang tinawag nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang magkokonekta sa
dalawang expressway, upang hindi na kailangang bunuin ang ilang oras na
biyaheng babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema po: Nag-atas si
Ginoong Marcos ng mga batas na pabor sa kanyang crony. Nakatali tayo sa
pagsunod sa mga batas na ito: Sino mang magpatayo ng imprastruktura sa lugar
na iyon, dapat kasosyo ang korporasyon ng kanyang kaibigan. Masaklap po:
nae-extend ng 30 taon ang kanilang prangkisa sa tuwing magkakabit sila ng
kahit isang dipa lang ng kalsada sa orihinal. Dagdagan pa po natin: nang
kumita ang kumpanya, hindi nakumpleto ang pagpapalawig o pagpapaunlad sa mga
imprastraktura’t daan. Tandaan po niyo na dapat umabot sa Carmen, Rosales sa
Pangasinan at Lucena sa Quezon ang mga kalsadang nabanggit at yung Metro
Manila Highway o Expressway, hanggang ngayon wala pa. Nang nalugi naman,
nakuha pang ipasa sa gobyerno ang utang. Ilalapit ko na po ito sa ating
Kongreso: silipin po nating muli ang Presidential Decrees 1113 at 1894.
Sa
kabila nito, tuloy po ang mga proyekto natin. Mayroon tayong walong
kilometrong 4-lane elevated expressway na kokonekta sa C3 Road sa Caloocan
patawid ng España, hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding mahigit
labing-apat na kilometrong 6-lane elevated tollway na babagtas mula
Balintawak, hanggang Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman po ng
dalawang kalsadang ito, lima’t kalahating kilometrong 6-lane elevated
expressway mula PUP sa Sta. Mesa, patawid sa kalagitnaan ng Osmeña at Quirino
Avenue, hanggang Buendia sa Makati. Oras na mabuksan ang kalsada, ang
biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y inaabot ng dalawang oras, kaya nang
takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark naman hanggang Calamba na pumapalo
noon sa tatlong oras, halos mangangalahati at magiging isang oras at
apatnapung minuto. [Applause] Kada araw, tinatayang limampu’t limang libong
motorista ang makikinabang sa mga ito. Tipid sa oras, tipid sa gas, menos sa
polusyon, lalago pa ang komersiyo’t turismo. Talaga namang win-win situation,
di po ba?
Sa
loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan nating ang mga ahensyang dati’y
pugad ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong
paglilingkod. Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa
ni Secretary Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga
bidder para magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas
marami nang nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong
nakukuha ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas
naeengganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng
pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos
na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang makabuluhang
proyekto. [Applause]
Bilang
halimbawa ng resulta ng mabuting pamamahala, tingnan natin ang Tagumbao
Bridge sa Gerona, Tarlac. Sa totoo lang, congressman pa lang po ako,
iminungkahi ko na ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan pang umikot
ng dalawang bayan para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing tag-ulan. Sabi ko
nga po sa mga dating administrasyon: Sa inyo na ang buong PDAF ko, magawa
lang ito. Kung puwede sana installment plan. Pero wala pong nangyari. Lumawak
lang ang idurugtong ng tulay dahil sa nababakbak na pampang.
Kasalukuyan
na po nating ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong
tayo na ang nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo;
pero dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa 226
million pesos. [Applause] Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit 108 million
pesos nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng ipinapagawang tulay. At
lalong maganda pa nga po, ang natipid na pondong ito ay magagamit sa
pagpapagawa ng dike at river training works para sa Phase II ng proyekto.
Dumako
naman po tayo sa turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post,
the “Best Tourist Destination of 2012” tayo. [Applause] Na-inlove ang
Shanghai Morning Post sa ating bansa, nang binansagan nila tayong “Most
Romantic Destination of 2012.” Hopefully they will love us more. [Applause]
Sabi naman ng Scuba Diving Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas.
[Applause] “Best Island” naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang Travel +
Leisure Magazine. Kulang na nga lang po ay tawagin na tayong paraiso.
[Applause]
Hindi
na po nakakapagtakang sa mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong
2012 ang 4.3 million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record
high. 21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo
noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang ang
bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang target
natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero nitong 2011 pa
lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million domestic tourists.
[Applause] Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala tayong maaabot ang bagong
target na 56.1 million bago matapos ang 2016. [Applause]
Ang
mas malakas na sektor ng turismo, manganganak ng mas maraming trabaho.
Tinataya ng DOT na nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na trabaho noong
2011. Ang totoo nga po, hindi lang mga lugar na may magagandang tanawin ang
nakikinabang sa pagdayo ng turista, kundi pati ang mga karatig-bayang
maituturing na tourism support communities: Ang mga lugar na pinanggagalingan
ng pagkaing inihahanda sa mga resort, ng mga souvenir na ibinebenta, at ng
iba pang mga produkto’t serbisyong nagsisilbing bukal ng kaunlaran para sa ga
lalawigan.
Malamang,
narinig na rin po ninyo ang mga good news na lumapag kamakailan sa bansa.
Noong Marso, inalis po ng International Civil Aviation Organization ang
significant safety concerns na ipinataw sa Pilipinas. Bunga po ito ng mga
reporma sa aviation industry upang siguruhing pasok sa pandaigdigang
pamantayan ang aviation safety sa Pilipinas. [Applause] Dahil po dito, sa
wakas, noon lamang ika-10 ng Hulyo, muli nang pinahintulutan ng European
Union ang direktang paglipad ng ating flag carrier sa Europa. [Applause]
Isipin
po ninyo, paano kaya kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation
industry? Di po ba’t sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang
dumalaw sa Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at oportunidad—ito
ang resulta ng lumang sistema ng pamamahala.
Kaya
naman, simula’t sapul, nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat ng antas ng
pamahalaan at isinulong ang transpormasyon sa ating mga institusyon. Ang
resulta: tunay na serbisyong pampubliko.
Tingnan
na lang po natin ang lalim ng transpormasyong nangyari sa mga GOCC. Ang
dating mga kumpanya ng bayang inaambagan mo pa dahil sa pagkalugi, naghahatid
na ng dibidendo ngayon. Gamitin po nating halimbawa ang Philippine
Reclamation Authority. Sa loob ng labintatlong taon bago tayo dumating, ang
suma-total ng dibidendo ng PRA: 676.82 million pesos. Sa tuwid na daan, para
sa 2012 lamang, ang dibidendo nila: isang bilyong piso. Napakalaking
transpormasyon, di po ba? [Applause]
Mabuting
halimbawa rin ang Local Water Utilities Administration. Noong 2011, ang
recorded net loss ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero dahil sa maayos
na pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang kanilang mga libro;
ayon sa kanilang report, umabot ang kanilang kabuuang kita sa 870 million
pesos noong 2012. [Applause] Dahil dito, nagawa nilang makapag-remit ng 365
million pesos sa pamahalaan para sa taong iyon.
Isa
pa pong halimbawa: Sa una kong SONA, isiniwalat natin ang kuwestyunableng
kalakaran sa MWSS: patung-patong na bonus at allowance ang ibinigay sa
sarili, sa kabila ng kapalpakan nilang tugunan ang pangangailangan ng ating
mga kababayan. Ang ahensya na nga po ang nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos
ang pagkalugi ng MWSS noong 2010. Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong
2011, pinirmahan natin ang GOCC Governance Act, na nagsisilbing saligan ng
katapatan, kredibilidad, at pananagutan sa pamamalakad ng ating mga GOCC. Ang
ibinunga nito: Noong 2011, 333 million pesos ang kinita ng MWSS mula sa
pagkalugi ng 34 million pesos. [Applause] Noong 2012 naman po, ang kinita nila:
Halos 2 bilyong piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo:
[applause] mula sa 150 million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million
pesos para sa 2012. Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng
pagbabagong itinanim ng mga pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik
na ibinabato sa kanila ng mga gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.
Kaakibat
ng pagtaas ng kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang patuloy na
pag-angat ng ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang magkasunod na ten-place
jump sa Global Competitiveness Index ng World Economic Forum. Sa unang
pagkakataon, nakuha natin ang investment grade status mula sa dalawa sa
tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies sa mundo, at hindi malayong
sumunod ang ikatlo. [Applause] Napanatili ang stabilidad ng presyo ng mga
bilihin, at patuloy din ang pagbaba ng bahagi sa ating budget na
pambayad-utang, at ang paglaki naman ng pondong nailalaan sa mga serbisyong
panlipunan. Sa panahong matamlay ang pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo
ng kahanga-hangang 6.8 percent GDP growth noong 2012. Nahigitan pa natin
itong first quarter ng 2013, kung kailan naitala ang paglagong 7.8
percent—pinakamataas na recorded GDP sa Timog-Silangan, [applause] pati na sa
Silangang Asya. Special mention po dapat ang 28.5 percent na ambag ng
manufacturing sa inilaki ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating aarangkada
pa ang manufacturing sa mga darating na panahon.
Tinagurian
na po tayo ngayon bilang “rising tiger,” ayon sa World Bank; “brightest
spark,” ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and
Wales, at iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa
ating bansa. Mula sa matuwid na paggugol ng pondo, hanggang sa epektibong
koleksyon ng buwis; mula sa pagpapaunlad ng imprastruktura hanggang sa
maaliwalas nang pagnenegosyo na lumilikha ng trabaho, talaga namang malinaw
ang pahayag natin sa mundo: kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa agos ng
kaunlaran.
Hindi
lang po sa ekonomiya o stadistika nakikita ang transpormasyon ng ating
lipunan. Ngayon, alam na ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap, may kakilala
sa poder o wala, kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka. Tunay nang nakapiring
ang katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating mga Boss: Panagutin ang
tiwali, at itama ang mali sa sistemang kaytagal nagpahirap sa ating bayan.
Pinapanagot
na po natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot
na tongpats sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng
149 pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos 15,375 pesos. Ang normal
na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507
pesos. Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi Hamilton Class Cutter.
Baka nga po kapag hinarap na niya ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto
nang magbilang itong si Ginoong Syjuco.
Nakahabla
po ang dating mga opisyal ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para
lamang gumawa ng pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang
partylist; at nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations
na nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.
Hinaharap
na rin po ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million
pesos na nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos
para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009
hanggang 2010. Mas mainam nga po kung masagot nila nang tama ang mga tanong
ukol dito, nang matukoy natin kung may iba pang dapat managot.
Sa
usaping Cadavero, PDAF, MRT 3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko
ang ginagawa namin, palagay nila wala kaming ginagawa sa mga isyung ito. Kung
wala pang tangan na datos ang gobyerno at ipagsigawan naming, “Iimbestigahan
namin kayo,” di ba’t para na rin naming sinabi sa mga kakasuhan na, “Paki
tago naman po ng mahusay ang lahat ng ebidensya?” Kaya: tutungo tayo kung
saan tayo ituturo ng katotohanan; ebidensya ang magdidikta sa ating mga
hakbang.
Nang
inihayag nating “walang wangwang,” hindi lang natin binaklas ang mga sirena
ng mga naghahari-harian sa kalsada; binungkal din natin ang kultura ng katiwalian
na noo’y tila nakaugat na sa mga pampublikong institusyon.
Pero
magtapatan po tayo: Hanggang ngayon, may ilan pa ring ahensya ng gobyerno na
ayaw yata talagang tumino. Nakakadismaya po ang lalim at ang pagsanga-sanga
ng kanilang mga galamay sa ating burukrasya; malingat lang tayo, pihadong may
aabusuhin at bibiktimahin na naman sila. Magpangalan na po tayo: sa Bureau of
Immigration, paulit-ulit nating pinagsabihang ayusin ang pagbabantay sa ating
mga daungan at paliparan. Pero paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid na
Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry
Ortega? Bakit nangyari pa rin na kitang-kita sa mismong CCTV ang pagtakas ng
Koreano na si Park Sungjun? Wanted po siya sa Korea, at nanghingi ng tulong
ang kanyang gobyerno upang hulihin siya. Anong mukha naman po ang ihaharap
natin gayong mismong mga kawani ng ating gobyerno ang naghatid sa kanya at
hinayaan siyang makatakas?
Nakakatuyo
din po ng pasensya ang kultura ng “pwede na” sa National Irrigation Administration.
Imbes na maglatag ng plano para sa mga bagong patubig, kuntento na sila sa
paulit-ulit na rehabilitasyon ng mga irigasyon. Masabi lang na may nagawa,
kahit puro patsi-patsing trabaho, masaya na sila. Noon nga pong kanilang
anibersaryo, itinanong ko kung bakit nasa 60 percent na naman ang kanilang
target ang naabot noong 2012, kung umabot na sila sa 87 percent noong 2011.
Kinabukasan, nagkita kami ng kanilang pinuno sa NEDA Board meeting. Ang sabi
niya sakin, Sir, ang dahilan kaya 60 percent lang, 40 percent daw po kasi ng
target nila ay nasa Mindanao, bagyong Pablo ang dumating at tinamaan kaya
na-delay sila ng 40 percent. Kailan po ba tumama ang Pablo? Noong unang
linggo ng Disyembre. Ibig sabihin, binalak niyang tapusin ang 40 percent ng
kanyang trabaho para sa taon, sa loob lamang ng tatlong linggo. Hindi po
natin kailangan ng ganitong uri ng pamamahala sa loob ng burukrasya.
Para
namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na
maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang
pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga,
armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance
na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa
kaban ng bayan. Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa
ahensyang ito? [Applause] Marami pong gabi bago ako matulog, kulang na lang
ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang
armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong
pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman
ako; bahala ka sa buhay mo.” Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa
pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat
na manatili sa pwesto. [Applause]
Kung
matino kang kawani ng Bureau of Immigration, ng National Irrigation
Administration, ng Customs, o ng kahit ano pang ahensya ng gobyerno, sana
makiambag ka pa lalo. Hindi sapat na yumuko sa loob ng cubicle; bahagi ng
trabaho mo ay ang pagpigil sa mali. Nasa tama kayo, kaya’t huwag po kayong
magtago; padaliin ninyo ang pagnanais kong mahanap kayo; paaangatin ko kayo
nang paaangatin upang ibandila ang inyong mabuting ehemplo, at mabago na ang
maling kultura sa inyong mga naturang ahensya. [Applause]
Para
naman po sa mga kawaning walang balak tumalikod sa kulturang wangwang: Tapos
na ang pakikiusap. Nagkaroon kayo ng tatlong taon para ipakitang handa kayong
umayos; ngayon, hahanapin, kung hindi pa kayo nahahanap, pero ‘yung ‘di
talaga mahahanap, lalahatin na po natin kayong lahat; ngayon, pasensyahan
tayo. [Applause]
Isabay
na rin po natin sa pagbabago ang mga tiwaling Civil Service. Panahon pa lang
po ng nanay ko, narinig ko na ang hirit na, “Ano ngayon kung utos ng
Malacañang? Anim na taon lang kayo diyan.” Kailangan pong itama ang ganitong
klaseng pag-iisip. Nananawagan po ako sa Kongreso: suriin natin ang ating
Civil Service Code at PD 1, [applause] upang maisaayos ito sa lalong madaling
panahon. Suportado ko ang pagbuo ng mekanismong magbabalik sa dangal ng
serbisyo-publiko; na tanging mga tapat, mahuhusay at may prinsipyong mga
lingkod-bayan lamang ang maaaring makapasok at manatili sa gobyerno.
Ngayon
naman po, hayaan natin ang ating mga kababayang magpahayag ng transpormasyong
nangyayari sa lipunan:
[VIDEO
BREAK]
[Applause]
Ni
minsan, hindi naman nagkulang ang bansa natin ng mga taong handang manindigan
at lumaban, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok sa kaniyang harapan.
Nariyan ang tapang na ipinamalas ni Commodore Ramon Alcaraz noong Ikalawang
Digmaang Pandaigdig. Lulan ng isang Q-Boat na yari sa kahoy, sinagupa niya
ang siyam na Zero fighter ng hapon, na itinuturing noon na isa sa
pinakamodernong eroplano; tatlo nito ang napabagsak niya. Ang totoo nga po,
tuluy-tuloy pa rin siyang lalaban, kung hindi pa ang sarili niyang mga pinuno
ang nag-atas sa kanyang sumuko. Ang kagitingang ito ang araw-araw ding
ipinapamalas ng mga sundalo nating nagtatanod sa mga pinakaliblib na
kabundukan, at sa pinakamalalayo nating isla; mga kawal na tinitiis ang layo
sa pamilya, at taas-noong naninindigan sa sinumang sumusubok sa ating
soberanya. Hindi rin po kalabisang isiping ang mga tagumpay natin sa tuwid na
daan ay maaaring pangarap pa rin hanggang ngayon kung wala ang mga miyembro
naman ng ating Gabinete. Nang inalok ko silang maging bahagi ng ating
pamahalaan, alam nilang hindi magiging madali ang kanilang trabaho. Subalit
maituturing na biyaya na tinanggap nila ang hamon, nanumpa silang tutulong sa
transpormasyon, at simula’t sapul, araw-araw silang nagsasakripisyo upang
hindi masayang ang pribilehiyong paglingkuran kayo.
May
mga katulad ni Kalihim Albert del Rosario. Kung ibabase sa tradisyon, ang
unang opisyal na biyahe sa labas ng Pilipinas ng isang kalihim ay sa mga
bansang may matibay at mapayapa tayong ugnayan. Ngunit pagkatapos niyang
manumpa bilang Foreign Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis,
lumipad agad si Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit
dalawampung checkpoint sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas ng
mahigit dalawampung libong Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya.
[Applause] Baka po magulat kayo pag narinig ninyo kung taga-saang bansa ang
mga banyagang nakiangkas pa sa ating paglilikas. Iba na nga po ang Pilipinas
ngayon: Imbes na tayo lang ang parating tinutulungan, ngayon, kaya na rin
nating tumulong sa mga dayuhan. [Applause]Kung tutuusin, maaari namang
tanggihan ni Secretary Albert ang pagtatrabaho sa gobyerno. Isa siyang
respetado’t matagumpay na negosyante, at tiyak na mas magiging komportable
siya sa pribadong buhay. Dati na rin po nating siyang nakiambag bilang
ambassador sa Amerika. Puwede naman siyang nadismaya nang pababain siya sa
puwesto, dahil tinutulan niya ang pagdeklara ng State of Emergency ng
nakaraang administrasyon noong 2006. Pero tinawag po natin siya para bumalik,
at tumugon siya. Ngayon po, nagbibigay siya ng mas malaki pang ambag bilang
kalihim. Handa niyang ilagay ang sarili sa panganib, dahil alam niyang walang
ibang sasaklolo sa Pilipino kundi ang kapwa rin Pilipino. Sa patuloy mong
paninindigan para sa ating karapatan, saludo po ako sa inyo, Secretary Albert
del Rosario. [Applause]
Transpormasyon
din po ang dulot ng inspirasyong hatid ng matitinong lingkod-bayan. Nagluksa
ang milyun-milyong Pilipino sa pagpanaw ni Jesse Robredo. Sa loob ng halos
dalawang dekada, namuno siya nang may husay, malasakit, at pagpapakumbaba sa
Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo ang dahilan kung bakit hiniram natin
siya mula kay Congresswoman Leni, at sa tatlo nilang mga anak, at sa mga
Nagueño, upang maging bahagi ng ating Gabinete. Kaya nga po, matapos ang
trahedya, isa na siguro sa pinakamahirap na tungkuling ginampanan ko ang
paghahatid ng balita kina Leni at kanilang mga anak.
Bukod
sa pagluluksa, hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni
Jesse. Baka kung hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay pa
siya ngayon. Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa natin
siya. Baka may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon.
Subalit
sa isang banda, alam kong hindi hahayaan ni Jesse na tumigil sa kanya ang
pagbabago at pagtutuwid ng lipunan. Nabigyan lamang ako, at nabigyan din
lamang si Jesse, ng pagkakataong maglingkod sa bansa dahil sa inyo. Hindi
nag-iisa ang mukha ng pagbabago. Hindi na aabutin pa ng isandaang taon bago
isilang ang susunod na mabuting tao, bago tumindig ang susunod na mabuting
Pilipino.
May
mga nagtatanong nga po lagi sa akin: Paano na sa 2016? Paano pag bumaba ka
na? Tapos na rin ba ang tapat na pamamahala? Tapos na ba ang tuwid na daan?
Mga
Boss, isipin nga po natin: Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo
ngayon, ano ba naman ito kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t
masaya na tayo noon na tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat
nang mapalitan ang mga nasa kapangyarihan?
Ngayon,
tinatamasa na natin ang pagbabago. Mula ito sa mga butil ng malasakit, ng
pakikipagkapwa, ng pagkakawang-gawa; nanggaling ito sa milyun-milyong
Pilipinong kahit sa pinakapayak na paraan, ay nagkusang makiambag sa
transpormasyon ng bansa.
Sa
pag-aambagang ito, tingnan ninyo ang ating narating: May nakaisip bang
magiging abot-kamay na ang kapayapaan sa rehiyong apatnapung taon nang
pinupunit ng hidwaan? Di ba’t gawa ito ng mga Morong handang magbaba ng armas
at sinabing, halika, mag-usap na tayo, nagtitiwala ako? Di ba’t gawa ito ng
karaniwang mamamayang nagsabing, Kapatid, pareho tayong Pilipino, tama na nga
ang gulo? [Applause]
Nang
unang iminungkahi ang Pantawid Pamilya, nariyan ang tanong: Paanong maaabot
ang kailangan nitong epekto; nasaan ang pondo para masaklaw ang lahat ng
maralitang Pilipino? May nag-akala bang, matapos lamang ang tatlong taon,
aabot sa halos apat na milyong kabahayan ang nagiging benepisyaryo nito? At
di ba’t sila rin—ang bawat inang gumigising nang maaga para ipaghanda ang anak
niyang papasok sa eskuwela, ang bawat batang nag-aaral nang mabuti—di ba’t
sila rin ang nakiambag at patuloy na nakikiambag para magtagumpay ang
programang ito?
May
nag-akala bang mula sa pag-aangkat ng milyun-milyong toneladang bigas, sa
pagtatapos pa lang ng 2012 ay 94 percent rice self-sufficient na tayo? May
nag-akala bang ang dating “Sick Man of Asia,” sa loob lamang ng tatlong taon
ng tapat na pamamahala, ay nasa investment grade status na? Sino nga po ba
ang nag-isip na maipapatupad ang lahat ng serbisyong panlipunan natin ngayon,
nang di nagtataas ng buwis maliban syempre sa Sin Tax? Di ba’t nakiambag dito
ang bawat accountant, doktor, abugado, na ngayon ay nagbabayad ng tamang
buwis? Di ba’t nakiambag tayong lahat dito?
May
puwang pa ba para sa mga agam-agam? Ngayon pa bang natutupad na ang mga
dating ni hindi natin magawang pangarapin, ngayon pa bang nakausad na tayo,
at abot-kamay na ang ating mga hangarin– Boss, ngayon pa ba tayo magdududa?
Sa
bawat Pilipinong nagtitiwala sa kapangyarihan ng maliliit na anyo ng
kabutihan: Kayo nga po ang gumawa ng pagbabago. SONA po ninyo ito.
Sa
bawat gurong bumabangon nang madaling-araw para magturo sa kanayunan: SONA mo
ito. Sa bawat pulis na nagsilbi at hindi nanghingi ng kapalit: SONA po niyo
ito.
Sa
mga hindi panatag sa listahan ng mga tatakbo sa halalan, at kinatok ang
kapitbahay para sabihing, “Huwag tayong makuntento, magtulungan tayong
humanap ng karapat-dapat na pinuno,” SONA mo ito.
Sa
bawat estudyanteng mulat sa mga napapanahong isyu sa lipunan, at sa halip na
magreklamo lang sa Facebook ay nagmumungkahi ng solusyon: SONA mo ito.
[Applause]
Kay
Brigadier General Ramon Mateo Dizon, paretirong pinuno ng Presidential
Security Group, na kasama ko na noon pa, laban sa mga kudeta noong panahon ng
nanay ko: Hanggang sa aking pagkapangulo, pinangalagaan mo ang seguridad ko,
pati na ng personal at opisyal kong pamilya. Buong kumpiyansa akong pumunta,
sa ibang bansa man o sa mga liblib na sulok ng Pilipinas. Chito, nakiambag ka
rin sa pagbabago; tunay kang tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at sa
sambayanang Pilipino. [Applause] Siyempre, kung di ka inalalayan ng iyong
butihing maybahay na si Jo-ann, hindi mo naabot ang iyong mga tagumpay. SONA
ninyong dalawa ito. [Applause]
At
sa lahat ng mga gumising sa nagtutulug-tulugan, sa mga nagmulat sa mga
nagbubulag-bulagan, sa mga kumalampag sa mga nagbibingi-bingihan: SONA po
ninyo ito. [Applause]
Mahaba
pa ang ating lalakbayin, at hindi natin kailanman sinabing madali o walang
mga hadlang sa landas na ito. Subalit wala akong duda sa kakayahan nating
lampasan ang anumang barikada. Hindi tsamba ang mga tagumpay na tinatamasa
natin ngayon; huwag tayong papayag na maging panandalian lamang ang transpormasyon.
Samantalahin natin ang pagkakataon upang gawing permanente ang pagbabago.
Ito
po ang aking ikaapat na SONA. Noong ako’y Congressman, ang mga taga-Tarlac
ang aking lakas; nang ako’y maging Senador, at hanggang ngayon, sa aking
pagkapangulo, nariyan ang sambayanan—Pilipinas, kayo ang aking lakas.
[Applause] Sa patuloy nating pag-aambagan at pananalig sa kapwa at sa
Maykapal, sinasabi ko po sa inyo: Kayo pa rin ang sisigurong magpapatuloy ang
ating nasimulan; kayo ang sisigurong mabubura na nang tuluyan ang mga mukha
ng katiwalian; kayo ang sisigurong hinding-hindi na tayo muling lilihis sa
tuwid na daan.
Sinabi
po sa akin dati: Noynoy, simulan mo lang at sinimulan nga po natin, at
ngayon, kitang-kita na ang layo ng ating narating. Ngayon, Pilipino, ituloy
natin ang pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at palawakin ang
transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino; ipinagmamalaki ko sa
buong mundo: Pilipino ako. At talagang napakasarap maging Pilipino sa
panahong ito.
Maraming
salamat po. [Applause]
|